Paglimas ng gamit sa iiwang opisina sa gobyerno, makatuwiran ba?

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2019 01:51 PM | Updated as of Jul 02 2019 01:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Limas ang mga kagamitan at muwebles ng tanggapan ng alkalde ng Cebu City nang lumisan sa puwesto ang dating mayor na si Tommy Osmeña. 

Ganito rin ang naging eksena sa Tagoloan, Misamis Oriental, kung saan napilitang mag-opisina sa ibang tanggapan ang bagong mayor na si Gomer Sabio dahil wala umanong gamit na iniwan ang dating alkalde na si Heckert Emano rito. 

Giit nina Osmeña at Emano na sarili nilang pera ang ginamit sa pagpapaayos ng kanilang mga opisina noong nasa puwesto pa sila. 

Makatuwiran nga ba ang kanilang pahayag? 

Ayon kay Atty. Noel Del Prado, dapat magpakita muna ng mga dokumento ang mga opisyal na magpapatunay na galing sa kanilang pera ang binitbit nilang mga kagamitan. 

Obligado kasing magpakita ng inventory ang mga opisyal kapag magpapapasok sila o maglalabas ng kagamitan sa kanilang lilisaning opisina para mapatunayang sila nga ang nagmamay-ari nito at hindi ito pinondohan ng gobyerno. 

"Halimbawa, hindi mo naman ito nadokumentuhan nang mabuti. Ibig sabihin, inabutan na doon na nakakabit na, at hindi naitala kanino ba galing. Ang presumption ay nagiging bahagi yan ng pampublikong pag-aari," ani Del Prado sa "Usapang de Campanilla" nitong Martes. 

Tingin ni Del Prado na mahalaga nang magkaroon ng batas ukol sa pormal na pag-turn over ng mga opisyal para masegurong maayos ang transition sa pagitan ng luma at bagong opisyal. 

Dati nang nabanggit ng Department of the Interior and Local Government na maaaring kasuhan ng damage to property si Osmeña kung hindi niya mapapatunayang kaniya ang mga binaklas niyang kagamitan sa nilisan niyang opisina. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.