P45,000 entry level salary para sa mga guro, isinusulong sa Kongreso

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2019 12:48 PM

Isinusulong ng ilang kongresista ang pagkakaroon ng umento para sa mga guro sa mga pampublikong paaralan sa pagbubukas ng ika-18 na Kongreso. 

Sa Kongreso, inimumungkahi ni Quezon City Rep. Alfred Vargas na itaas sa P45,259 ang sahod ng mga entry level na mga gurong nagtuturo sa mga pampublikong paaralan. 

Pero aniya, dapat unti-untiin ang pagdagdag para kayanin na ipatupad ang umento. 

"Praktikal lang na itaas sa SG (Salary Grade) 19 ang sahod ng entry-level government teachers upang mahikayat ang mga pinakamahuhusay sa atin na pasukin ang mundo ng akademya. Ngunit batid kong hindi ito kakayaning ipatupad nang biglaan. Kailangang i-phase-in ito alinsunod sa irerekomenda ng DepEd at CHED,” ani Vargas. 

Para sa kongresista, maaaring unahin sa unang taon ng pagpapatupad nito ang basic education teachers at college faculty mula sa tatlong pinaka-mabababang salary grade.

Sa susunod na taon naman ay planong idagdag ang sahod ng mga susunod na tatlo o apat na salary grades hanggang maitaas na ang lahat ng sahod ng mga guro.

Bukod sa dagdag-sweldo, isinusulong din ni Biñan City Rep. Len Alonte na magkaroon ng teacher protection policy ang mga guro, bukod sa hazard pay. 

Paliwanag ni Alonte, ito ay dahil may mga teacher na binu-bully ng estudyante maging ng kanilang mga magulang sa social media.

Sa Senado, naghain na rin ng panukala sina Sen. Sonny Angara, Joel Villanueva at Pia Cayetano na magtataas ng sahod ng guro sa Salary Grade 19. 

Sa panukala, layong itaas din ang sweldo ng lahat ng tumatanggap na ng mas malaking sweldo o nasa mas mataas nang salary grade gaya ng mga Master Teacher.

Kailangan anya ito para matupad ang parity rule o maipantay na ang sweldo ng mga guro sa tinatanggap ng kanilang counterpart na pulis, sundalo, bumbero at jail officer.

"Merong kasi 'parity rule' na matagal nang sinusunod sa pasweldo sa gobyerno. Na ang Teacher 1, Private, Police Officer 1, Fire Officer 1, Jail Officer 1, pareho ang sweldo. If you raise one, you raise all. In this bill, we are just trying to restore this equity,” paliwanag ni Angara sa pahayag. 

Sa loob ng limang taon ibibigay ang kabuuan ng umento para mabigyan ng panahon ang Department of Budget and Management sa kinakailangang budgetary adjustments.

-- Ulat nina Robert Maño at Zandro Ochona, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.