Ina di naniniwala na 'pinansangga' ang paslit kaya nabaril sa buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2019 08:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iginiit ng ina ng 3 anyos na napatay sa police operations sa Rodriguez, Rizal noong Sabado na hindi ginawang "human shield" ang binaril na anak.

Taliwas ito sa report ng Rizal Provincial Police na pinantakip ng ama ng bata na si Renato Ulpina o alyas Kato ang paslit bago sila mapaslang sa buy-bust operation sa sarili nilang bahay noong Sabado ng umaga. 

Nauna nang naiulat na ang pangalan ng inaarestong suspek ay Renato Dolorfina, na dahil umano sa marami nitong ID. 

Tinamaan ng bala sa ulo ang bata. 

Ayon sa ina ng bata na si alyas "Lisa," natutulog sila nang mangyari ang insidente. 

"Hindi po totoo iyon. Ako ang patunay," ani "Lisa." 

"Natutulog ho kami, naka-lock pa ang pinto, walang warrant na naganap, walang papel na pinakita, walang nagsabi na sumuko ka na," pagalit na banggit ni "Lisa." 

Pero nanindigan ang Rizal police na lehitimo ang kanilang operasyon. Giit nila, miyembro ng gun-for-hire ang suspek at sangkot si Ulpina sa carnapping at illegal na droga. 

"Talagang buy-bust 'yun, noong mag-aabutan na, sumigaw 'yong partner ni Kato na mga pulis 'yan kaya tumakbo si Kato," ani Col. Lou Evangelista, direktor ng Rizal police. 

Wala umanong alam si "Lisa" kung sangkot sa mga illegal na gawain ang kaniyang kinakasama. Pero umamin siya na may baril ito. 

"Malamang po, iyong asawa ko po," ani "Lisa" nang tanungin kung nakarinig ng putok ng baril bago mangyari ang insidente. 

Samantala, inuwi na sa probinsiya ang bangkay ni Ulpina. Plano naman magsampa ng kaso ni "Lisa" sa mga pulis na nagsagawa ng operasyon. 

Sa tala ng ABS-CBN Investigative And Research Group, halos 6,000 na ang napapatay sanhi ng ilegal na droga mula 2016.

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.