'Naantalang flood control projects, ilan sa nagpapabaha'

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2018 08:27 PM | Updated as of Mar 21 2019 11:54 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inamin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na isa sa mga dahilan ng patuloy na pagbaha sa ilang bahagi ng Metro Manila ang mga delayed o naantalang flood control project nila.

Sa 68 flood control projects ng ahensiya, 44 pa lang ang nakukumpleto. Taong 2016 pa nang planuhin ang iba sa mga ito.

"'Pag natapos natin 'yan, mas luluwag ang mga drainage natin, malilinis 'yan, magkakaroon ng mga dredging. Of course, mas bibilis ang pagtanggal ng tubig," sabi ni MMDA general manager Jojo Garcia.

Nabinbin ang mga proyekto dahil puro officers-in-charge lang daw ang humawak sa ahensiya hanggang sa maitalaga si Danilo Lim bilang chairman noong Mayo 2017.

"Pangit nga iyong naging performance namin last year because of the transition," ani Garcia.

Nakita ng Commission on Audit na higit P3 bilyon lang ang nagamit ng MMDA mula sa higit P5 bilyon inilaan para sa flood control projects noong 2017.

Isa sa mga proyektong hindi agad natapos ay ang Buli Creek sa Pasig, na target sanang matapos noong Mayo.

Tiniyak naman ng MMDA na nitong Hulyo ay makukumpleto na ang proyekto.

Kasalukuyang nagsasagawa ang MMDA ng dredging para malinisan at malaliman ang creek. Mapapabilis daw nito ang paghupa ng baha sa lugar. --Ulat nina Jacque Manabat at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.