Libo-libong production machine operator, kailangan sa Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2018 06:59 PM | Updated as of Apr 01 2019 12:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nangangailangan ng higit 6,000 production machine operator ang bansa, batay sa ulat na inilabas nitong Lunes ng Bureau of Local Employment (BLE). 

Nanguna ang production machine operator sa listahan ng 100 trabaho sa Pilipinas na may pinakamataas na bilang ng vacancy o pagkabakante sa PhilJobNet mula Marso 2016 hanggang Disyembre 2017, ayon sa JobsFit Labor Market Information Report ng BLE.

Ang PhilJobNet ang job portal ng gobyerno.

Ang machine operator ang responsable sa pag-set-up, pag-operate, pag-monitor, pag-troubleshoot at pagsasagawa ng preventive maintenance sa mga itinalagang makina.

Pumangalawa naman sa bilang ng pinakamaraming pagkabakante ang call center agent na nagtala ng higit 3,000 bakanteng posisyon.

Kasama rin sa iba pang nangungunang trabaho sa PhilJobNet na maraming bakante ang domestic helper (1,091), customer service assistant (933), salesman (918), cashier (888), at food server (630).

Sa mga interesado at gustong mag-avail ng libreng employment facilitation service ng gobyerno, maaaring magparehistro sa website ng PhilJobNet o personal na bumisita sa tanggapan ng BLE sa Intramuros, Maynila.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.