Paglalakad, pagtawid habang may gamit na gadgets ipagbabawal sa Baguio

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2019 03:55 PM | Updated as of Jul 01 2019 08:06 PM

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Baguio City Council ang ordinansang magbabawal sa paggamit ng gadgets at earphones habang naglalakad o tumatawid sa mga kalsada ng lungsod.

Ayon kay Baguio City Councilor Francis Robert Ortega, layon ng ordinansa na matiyak ang kaligtasan ng mga tao sa pagtawid o paglalakad.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Minsan makikita natin habang naglalakad, nakatingin sa device nila, minsan natatapilok sila or nauuntog sila or nakakabangga sila," sabi ni Ortega sa panayam.

Sa ilalim ng ordinansa, sisitahin ang mga residente sa unang paglabag.

Sa ilalim ng ikalawang paglabag, pagmumultahin ang lumabag ng P1,000 na may kasamang community service.

Multang P2,000 at community service o pagkakakulong na hindi bababa sa 10 araw ang parusa sa ikatlong paglabag, habang multang P2,500 at community service o pagkakakulong na hindi bababa sa 30 araw naman ang parusa sa ikaapat na paglabag.

Lagda na lang ni Mayor Benjamin Magalong ang hinihintay para maipatupad ang nasabing ordinansa.

-- Ulat ni Justin Aguilar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.