'Egay' naging low pressure area; pag-ulan tuloy pa rin

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2019 07:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patuloy na magiging maulan sa malaking bahagi ng Luzon, kasama ang Metro Manila, mula gabi ng Lunes hanggang Martes.

Ito ay kahit naging low pressure area (LPA) ang bagyong "Egay."

Dala na umano ng pinaigting na habagat ang mga pag-ulang mararanasan sa mga susunod na araw.

Ayon sa PAGASA, makararanas pa rin ng monsoon rains o maghapong mahina hanggang sa katamtamang ulan na may pabugso-bugsong malakas na ulan sa Martes ang Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, at Mimaropa.

Sa Miyerkoles hihina at magiging madalang ang pag-ulan.

Namataan sa layong 190 kilometro silangan hilagang-silangan ng Calayan, Cagayan ang LPA na dating "Egay."

Tinatayang malulusaw na rin ang LPA sa Martes.

May isa ring binabantayang LPA sa West Philippine Sea pero hindi ito inaasahang papasok ng Philippine area of responsibility (PAR) dahil kumikilos ito pakanluran o palayo ng bansa. 

Dalawa o 3 bagyo pa ang inaasahang papasok o mamumuo sa PAR para sa buwan ng Hulyo.

Inaasahan ding magiging mas maulan kaysa normal sa malaking bahagi ng Northern Luzon, at ilang bahagi ng Central Luzon, at Mimaropa.-- Ulat ni Kim Atienza, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.