Kotse, bumaligtad sa kahabaan ng Quirino Highway

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2017 10:50 AM

MANILA - Nagtamo ng galos sa mukha ang isang babae matapos bumaligtad ang minamanehong kotse sa kahabaan ng Quirino Highway sa Quezon City.

Base sa paunang imbestigasyon ng pulisya, galing sa Commonwealth Avenue ang driver na si Nina Payumo at papauwi na sana sa Bulacan nang biglang may nag-cut umano na motorcycle rider sa harapan nito.

Ayon kay Payumo, iniwasan niya ang motorsiklo kung kaya’t nakabig niya ang manibela hanggang sa tuluyan na siyang nawalan ng kontrol.

Basag ang mga salamin, wasak ang bubong at napinsala rin ang mga gulong sa harapan ng sasakyan.

Amoy alak si Payumo pero giit niya, hindi siya lasing dahil hindi naman siya anya galing sa inuman.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.