Umano'y lider ng gun-for-hire group, patay sa operasyon kontra droga sa Laguna

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 01:18 AM

SINILOAN, Laguna - Patay ang isang lalaki sa buy-bust operation ng pulisya nitong Linggo ng gabi sa Barangay Wawa, Siniloan, Laguna. 

Kinilala ang napatay na suspek na si Reymond Baldemora alias Macmac Punio o alias Jhondi, 36-anyos at lider umano ng Baldemora gun-for-hire group na nago-operate sa ikatlo at ikaapat na distrito ng Laguna. 

Lider din umano ang suspek ng isa pang sindikato at top 3 "regional high-value individual" ng Philippine National Police (PNP) Calabarzon.

Ayon sa Laguna Provincial Police, nagpanggap na poseur-buyer ang isa nilang kasamahan pero natunugan ni Baldemora na pulis ang katransakyon nito. 

Dito na nga ito nagpaputok ng baril sa pulisya. 

Nagtamo ng tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan si Baldemora na naging dahilan ng pagkamatay nito. 

Narekober naman sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang caliber .45 pistol. 

Samantala, habang nangyayari ang engkwentro, nakatakas naman ang kasamahan niya na kinilalang si Abdulkader Cali, residente ng Quiapo, patungo sa direksyon ng Famy. 

Patuloy na pinaghahanap ang isa pang suspek. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.