Pintuan ng EDSA buses nais ipalipat ng MMDA sa kaliwa para iwas-aksidente

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 01:15 PM

MAYNILA - Plano ng Metropolitan Manila Development Authority na ipalipat sa kaliwa ang pintuan ng mga EDSA bus para makaiwas sa aksidente at maging akma sa mga babaan ng mga bus. 

Ayon kay MMDA chairman Danilo Lim, layon nitong gawing akma ang mga pintuan ng bus sa mga bus stop na ipinatatayo sa gitna ng EDSA. 

Ito rin aniya ay para mapabilis ang usad ng mga pasahero sa mga bus stop. 

Maaalalang nagpatayo ng augmented bus stops ang MMDA sa main thoroughfare sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ngayong naka-general community quarantine ang Metro Manila. 

Mapanganib umano kapag bumaba sa kanang bahagi ng bus ang pasahero sa pangambang makipagpatintero ito sa mga sasakyang bumabaybay sa highway. 

“Eventually we will require lahat ng buses na i-move yung sabayang babaan sa kaliwa na rin... Isang pasukan isang babaan para mabilis hindi magtatagal sa bus station,” ani Lim. 

Banggit naman ni MMDA General Manager Jojo Garcia na may mga temporary bus stop pa rin sa EDSA kung saan mananatili sa kanan ang babaan at sakayan ng mga pasahero. 

“May temporary nga tayo Monumento to Quezon Avenue nasa kanan yan and then Estrella going to MOA nasa kanan yan,” ani Garcia. 

Nangangailangan naman ang MMDA ng 36,000 barriers na ilalagay sa EDSA na nagkakahalagang mahigit P4,000 kada isa at aabot sa P144 milyon ang kakailanganing pondo. 

— Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.