Paano natuklasang positibo sa COVID-19 ang 8 doktor sa Iloilo

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 03:04 AM

ILOILO CITY - Ibinahagi ng isang infectious diseases specialist ng St. Paul's Hospital sa Iloilo City kung paano nila natuklasan na positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang walo sa kanilang mga doktor.

Noong Biyernes, inirekomenda ang "urgent surgery" sa isang pasyente ng ospital.

Ayon kay Dr. Ella Mae Divinagracia, protocol sa ospital na bago mag-perform ng surgery, kailangang sumailalim sa rapid test ang pasyente.

“Since the patient was scheduled ASAP I requested for rapid testing which was available to us so we might as well utilize it and it turned out that the patient was positive for (IGM) so because of that, we have to do testing for all our doctors who are also in close contact with the patient," aniya.

Ayon kay Divinagracia agad isinailalim sa RT-PCR test ang pasyente at ilang mga doktor. Walo sa kanila ang nagpositibo sa COVID-19.

Pero palaisipan pa ayon kay Divinagracia kung bakit nagnegatibo sa RT-PCR test ang pasyente na naunang nagpositibo sa rapid test. 

Para masiguro ang resulta muling isasailalim sa RT-PCR test ang naturang pasyente.

Mas pinaigting pa ng ospital ang imbestigasyon kung saan posible nakuha ng mga physician ang virus.

“This patient doesn’t have contact with the index case the medical residents are assigned to specific areas in the hospital so automatically all these identified patients or residents were placed in a quarantine facility in the hospital while awaiting for the result," paliwanag ni Divinagravia.

Asymptomatic ang walong physicians. Iinuturing naman na "blessing" ng ospital ang insidente, dahil kung hindi dahil sa pasyente hindi na-detect na positibo sa COVID-19 ang kanilang health care workers.

Nilinaw ni Divinagracia na mula buwan ng Mayo nagsasagawa na sila ng rapid test sa kanilang health care workers at nagnegatibo naman ang mga ito sa COVID-19.

Umapela si Divinagracia sa Department of Health 6 na isailalim din sa RT-PCR test ang mga health care worker sa mga ospital para masigurong negatibo sa COVID-19 ang mga nagbibigay ng serbisyo-medikal sa mga pasyente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.