Mga bagong halal na opisyal nanumpa bago umpisahan ang termino

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2019 06:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa huling araw ng Hunyo, pormal na nanumpa sa kani-kanilang mga tungkulin ang mga nanalo sa halalan noong Mayo.

Sa Pasig City, dumalo ang mga tagasuporta at pamilya ni Mayor Vico Sotto, kasama ang mga magulang niyang sina Vic Sotto at Coney Reyes.

Ang 30 anyos na si Sotto ang tumapos sa 27 taong pamumuno ng angkan ni dating mayor Robert Eusebio sa lungsod.

Maingay naman ang arena sa San Juan City kung saan nanumpa sina Mayor Francis Zamora at iba pang lokal na opisyal.

Pinutol ni Zamora ang 5 dekadang pamumuno ng mga Estrada sa San Juan.

Tapat na lingkod naman ang pangako ni Mayor Isko Moreno sa Maynila matapos talunin sa halalan si dating mayor Joseph "Erap" Estrada.

Nanumpa rin sa Quezon City si Mayor Joy Belmonte na pumalit kay dating mayor Herbert Bautista.

Sa mismong harapan ng bantayog ng kanyang lolong si Ferdinand Marcos naman nanumpa bilang gobernador ng Ilocos Norte si Matthew Marcos Manotoc.

Si Manotoc ang pumalit sa kaniyang ina, ang bagong halal na senador na si Imee Marcos.

Nanumpa rin si Isabela City, Basilan Mayor Sitti Djalia Turabin-Hataman.

Sa Ormoc City, nanumpa sina Mayor Richard Gomez at asawang si Leyte 4th District Rep. Lucy Torres-Gomez.

Sa Pampanga, nanumpa ang mag-inang nagpalitan sa posisyon, ang bagong Pampanga Governor na si Dennis Pineda at ina nitong si Vice Governor Lilia Pineda.

Sa Sorsogon, pormal nang nanumpa si Governor Chiz Escudero matapos ang huling termino bilang senador.

--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.