Maraming SHS graduates di kumpiyansang agad magkakatrabaho: pag-aaral

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2019 06:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinubukan ni Ryan Joseph Quimo na mag-aplay ng trabaho matapos magtapos ng senior high school (SHS) noong Abril.

Dahil hindi pinalad na matanggap bilang sales agent, mas tumindi ang kagustuhan ni Quimo na magpatuloy sa kolehiyo.

"Kaya nagpatuloy pa ako sa kolehiyo, para sa akin, naniniwala akong substandard pa ang aking mga natutunan," ani Quimo.

Lumabas sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na karamihan sa nagtapos mula unang batch ng SHS ay hindi kumpiyansang agad na makakahanap ng trabaho.

Naniniwala ang maraming SHS graduates na kailangan nilang magpatuloy sa kolehiyo.

Nauunawaan naman ni Bureau of Local Employment Director Dominique Tutay ang resulta ng pag-aaral.

"That's understandable kasi 'yong mga age po natin ng senior high school, 'yan 'yong mga adolescent stage of their lives," ani Tutay.

"The higher education level you get, mas mataas 'yong pay that you get in the world of work," dagdag ni Tutay.

Ayon din sa pag-aaral ng PIDS, bukas man ang employers sa pagtanggap ng K to 12 graduates, karamihan naman sa posisyong inilaan sa kanila ay nasa entry-level.

Bunsod nito, isinusulong ng non-profit group na Philippine Business for Education (PBED) ang pagpapalawig ng kaalaman ng employers sa skills na kayang ialok ng K to 12 graduates.

sa Hulyo ay may higit 4,000 trabaho ang bubuksan sa job fair na inorganisa ng PBED para sa mga nagtapos ng SHS.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.