Egay hihila ng habagat na magpapaulan; tubig sa Angat Dam, nadagdagan

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2019 06:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa nang ganap na bagyo ang low pressure area na tinawag na Tropical Depression "Egay."

Hindi ito tatama sa kalupaan pero maaari nitong hilahin ang habagat na magdudulot ng ulan.

Huling namataan ang bagyo sa layong 545 kilometro sa silangan ng Casiguran, Aurora.

May taglay ang bagyo na lakas ng hangin na 55 kilometro kada oras (kilometer per hour o kph) at pagbugso na 65 kph.

Kumikilos ng kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 30 kph ang bagyong "Egay."

Hindi inaasahang magla-landfall ang bagyo pero hihilahin nito ang habagat na magpapaulan sa Metro Manila, Ilocos region, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol region, at Western Visayas.

Makakararanas naman ng malalakas na ulan ang Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, at Occidental Mindoro, ayon sa state weather bureau na PAGASA.

Bukod sa "Egay," may isa pang low pressure area na namuo sa West Philippine Sea.

Samantala, tumaas naman ang antas ng tubig sa Angat Dam sa 158.64 metro, kumpara sa 157.96 metro noong Sabado.

Nananatili pa rin itong mababa sa crticial level na 160 metro kaya tuloy pa rin ang pagpapatupad ng rotational water interruption ng mga water concessionaire.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.