Hepe ng presinto, 3 pulis na umaresto kay ‘Tisoy’ sinibak

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2018 01:14 PM | Updated as of Jun 30 2018 01:45 PM

MAYNILA – Sinibak na sa puwesto ng Quezon City Police District (QCPD) ang hepe ng isang presinto at tatlong pulis na umaresto kay Genesis “Tisoy” Argoncillo, ang lalaking nasawi ilang araw matapos hulihin sa kasong alarm and scandal.

Tinanggal sa puwesto ni QCPD Director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. sina Police Community Precinct (PCP) 3 Commander Senior Insp. Cyril Dagusen at Police Officers 1 Ruel Tubat, Paulo Lopez Jr., at Paul Hector Calderon. 

Pansamantala silang inilipat sa District Headquarters Support Unit (DHSU) sa Camp Karingal. 

Matatandaang inaresto si Argoncillo noong Hunyo 15 ng tauhan ni Dagusen dahil sa kasong alarm and scandal.

Dinala siya sa Police Station 4 kung saan nabugbog siya umano ng ibang preso noong Hunyo 19 at dinala sa ospital kung saan siya namatay.

Una nang sinibak sa puwesto ang commander ng Police Station 4 na si Supt. Carlito Grijaldo at apat pang pulis na naka-duty noong araw na nabugbog si Argoncillo.

Sumasailalim na rin sa administrative investigation ang mga sinibak na pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.