3 holdaper arestado sa Oplan Galugad

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2018 10:08 AM

MAYNILA – Nalambat ng awtoridad ang tatlong hinihinalang holdaper na halos limang buwan na umanong nagtatago sa isinagawang Oplan Galugad sa Rizal Avenue sa Sta. Cruz dito sa siyudad, Biyernes ng gabi.

Ang mga nahuling lalaki ang sinasabing nasa likod ng nag-viral na dashcam video ng panghoholdap sa isang UV Express noong Enero ngayong taon.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Sta. Cruz Police, nahuli nila ang isang alyas Janno, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang, isang alyas Kenneth, 18-anyos, at isang Keith, 27-anyos. 

Unang lumutang ang umano'y dating kasamahan ng mga suspek upang magbigay ng impormasyon sa kinaroroonan nila. Depensa ng informant, nais na kasi niyang magbagong-buhay.

Agad namang nagkasa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Alvarez Police Community Precinct sa loob ng isang hotel at naabutan ang mga suspek. 

Nakuha sa kanila ang dalawang kalibre .38 na baril, isang patalim, at 6 na plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.