3 residenteng umuwi sa Negros Oriental, nagpositibo sa COVID-19

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2020 11:38 PM

Tatlong residenteng na-stranded bago nakauwi sa Negros Oriental ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kasama sa mga nagpositibo sa sakit ang isang 21 anyos na babae na taga-Mabinay.

Hunyo 21 nang makabalik siya ng probinsya mula Cebu. Nananatili siya sa quarantine facility.

Nasa ospital naman ang 79 anyos na lalaki na nakitaan ng sintomas ng COVID-19.

Ayon kay Dr. Liland Estacion, Assistant Health Officer ng Negros Oriental, nasa quarantine facility ng Guihulngan City ang 27 anyos na manugang nito at dalawang mga apo na kasama niya mula Cebu.

Positibo rin sa COVID-19 ang isang 66 anyos na babae na namatay sa Negros Oriental Provincial Hospital noong Hunyo 23.

Patuloy ang contact tracing ng awtoridad sa mga itinuturing na direct contact ng tatlong bagong kaso ng COVID-19.

Sa kabuuan, 28 na ang COVID-19 cases ng Negros Oriental.

"Of course we'll contain them. The most important thing gyud akoang gihangyo sa mga LSI nga moabot inig ingon gani nga quarantine quarantine gyud mo kay kun mag positive less na atoang contact tracing, di ba? So tuman lang gyud ta kay you know in Cebu unsa may storya sa Cebu ining ilahang failure sa quarantine maoy ni daghan sila. So we dont want that to happen here in Negros Oriental," ani Estacion.

(Of course we will contain them. The most important thing is, I am asking our LSIs who are arriving to observe the quarantine protocol. So that at least if ever they are positive we will have lesser people to look for. Like in Cebu they’re saying there is a failure in the quarantine. We don’t want that to happen in Negros Oriental.)

Sa buong bansa, umabot na sa 36,438 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng COVID-19, kung saan 9,956 na ang gumaling habang 1,255 naman ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.