SOCO: Tatlong magkakamag-anak, pinagsasaksak sa Nueva Ecija

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2019 01:11 PM

 

Patay ang mag-ina habang sugatan ang isa nilang kaanak matapos silang pagsasaksakin ng isang lalaki sa loob ng kanilang tahanan sa San Jose, Nueva Ecija noong Abril 17, 2019.

Kinilala ang mag-inang biktima na sina Gina Garcia, 39 anyos, at ang kaniyang anak na si Jenny Grace Garcia, 16.

Ayon sa medicolegal report ng pulisya, ikinasawi ni Gina ang pagtamo niya ng stab wounds sa kaniyang dibdib at likuran, habang stab wounds naman sa katawan ang ikinasawi ng kaniyang anak. 

Nakaligtas ang kaanak nilang si Karen Rosete kahit na nagtamo ng 19 saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan. 

Kuwento ni Rosete, tulog sila nang dumating ang suspek sa kanilang bahay. 

"Tulog na po kami noon. Katutulog lang po namin. Ngayon, nagulat ako kasi may sumipa sa pintuan sa may likod, sa may kusina po namin," ani Rosete.

Makalipas ang ilang sandali, isang lalaki ang sumulpot sa kanyang harapan.

"Galit na galit po talaga 'yong hitsura niya. Dinampot niya na po ako at sinakal kaagad. Tapos nilabas na niya 'yong kutsilyo niya, pinagsasaksak na niya ako. Ang unang tinamaan sa akin 'yong side ko eh. Punong-puno na ho ako ng dugo, 'yong pajama," sabi ng biktima.

Dahil sa palahaw ni Karen, nagising ang mga kasama niya sa bahay, kabilang na dito ang kanyang tiyahin na si Gina at pinsang si Jenny Grace. 

"Noong binitawan niya 'ko, tinakbo niya 'yong tita ko. 'Yon na po 'yong unang sinaksak niya, 'yong tita ko (Gina) dito sa tiyan," pag-alala ni Karen.

Nais tulungan ni Karen ang mga kaanak pero hindi niya ito magawa sa takot na mapagdiskitahan muli ng lalaki.

Habang pinakikiramdaman ni Rosete ang galaw ng suspek, nagising ang 4 taon niyang anak. Pero sa kabutihang palad, hindi ito pinuntirya ng lalaki.

“Pinapakinggan ko kung ano po ‘yung gagawin niya sa anak ko na maliit. Noong naghuhugas [ng kamay ‘yung suspek], sabi niya doon sa anak ko, ‘Matulog ka na,’” ani ng biktima.

Nilisan din ng lalaki ang kanilang tahanan matapos ang ilang minuto. Dito na nakahanap ng tiyempo si Karen para tumayo at humingi ng saklolo.

Matapos ang salaysay ni Rosete, agad natukoy ng San Jose police ang pagkakakilanlan ng suspek. 

Ayon kay Lt. Col. Heryl Bruno, hepe ng San Jose PNP, kinilala ang suspek bilang si Edmyr Balimbin, na tiyuhin umano ni Rosete. 

Sundan ang buong kuwento sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" ngayong Sabado, Hunyo 29, 4:15 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!"

Para sa karagdagang detalye, sundan ang "SOCO" sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.