ALAMIN: Pananagutan ng 'humarang, nangikil' ng motorista sa EDSA

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2019 06:06 PM | Updated as of Jun 29 2019 06:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kamakailan ay nag-viral ang video ng isang motorista na hinarang at kinikilan umano ng isang palaboy sa EDSA.

Sa dash cam video ng motorista, makikitang sumulpot sa harap ng sasakyan ang umano ay taong kalsada na nanghihingi ng pera at sumesenyas na babatuhin ang sasakyan kapag hindi naabutan ng pera. 

May pananagutan nga ba ang palaboy sa sitwasyong ito? 

Ayon kay Atty. Claire Castro, maaaring kasuhan ng grave threat ang lalaking nanakot. Pero aniya, dapat munang malaman kung "insane" o wala sa pag-iisip ang palaboy bago ito kasuhan. 

Ipinagpapaliban kasi sa batas ang pagkaso sa sino mang wala sa tamang huwisyo para gawin ang kaniyang ginawa. 

Pero kung lango umano sa droga ang lalaki habang nangyayari ang insidente, may dahilan para ito ay kasuhan. 

"Insanity is an excuse. Pero kung nagdodroga siya, at maging insane siya, hindi iyan excuse. Magiging aggravating circumstances iyan ng krimen," ani Castro sa "Usapang de Campanilla." 

Bukod dito, ayon kay Castro, maaaring kasuhan sa paglabag ng Anti-Mendicancy Act ang lalaki. 

Ipinagbabawal kasi sa batas ang panlilimos sa kalsada. 

"Actually, mga kababayan, hindi po tayo nagbibigay ng limos kasi may tinatawag na anti-mendicancy na bawal ang maglimos. 'Pag naglimos po talaga tayo it's a crime," ani Castro. 

Multa at pagkakakulong ang naghihintay sa mga lalabag sa anti-mendicancy law at batas sa grave threat. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.