P2-M halaga ng party drugs, nasabat sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2018 04:26 AM | Updated as of Jun 29 2018 06:39 AM

MAYNILA - Nasabat ng mga pulis ang halos P2 milyong halaga ng party drugs mula sa isang magkasintahan sa buy-bust operation sa Maynila Huwebes ng gabi.

Isinagawa ng Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (NPD) ang operasyon sa apartment ng lalaking suspek sa Sta. Cruz.

Nakuha sa kanila ay mga hinihinalang cocaine, ecstasy, at marijuana.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, halos 4 na buwan na umanong sangkot sa pagtutulak ang mga suspek.

Inaalam na rin ng mga pulis kung sino ang supplier nito.

Mga mahilig umano sa party sa mga bar ang parokyano ng magkasintahan.

"Kapag nakatikim ka daw niyan parang happy ka, kapag nakakarinig ka ng music at tuwang tuwa ka kapag nakakakita ka ng lights. 'Yung cocaine naman ang epekto pampagising," ani Chief Supt. Greg Lim, acting district director ng NPD.

Mahaharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.