Kaso ng leptospirosis sa NKTI, tumaas pa; patay umabot na sa 12

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2018 06:31 PM | Updated as of Jun 26 2019 03:07 PM

Medical staff attend to Leptospirosis patients at a makeshift ward inside the National Kidney Transplant Institute (NKTI) Hospital gymnasium in Quezon City, June 27, 2018. Jonathan Cellona, ABS-CBN News


MAYNILA- Dumami pa ang mga pasyenteng may leptospirosis na nagpapagamot sa National Kidney Transplant Institute (NKTI) nitong Biyernes.

Ayon kay Dr. Rose Liquete, executive director ng NKTI, umabot na sa 84 ang kaso ng leptospirosis sa ospital mula sa 61 kaso noong Huwebes.

Watch more in iWant or TFC.tv

Labindalawa na rin ang nasawi dahil sa nasabing sakit ngayong buwan.

"Malala na sila (mga namatay) nung pinasok sa ospital," ani Liquete sa isang panayam sa DZMM.

Karamihan umano sa mga pasyenteng nasa ospital pa ay nagpapa-dialysis na rin, senyales na apektado na ang kanilang bato.

Nitong Huwebes nagtalaga na ng mga "fast lane" ang NKTI para agarang matugunan ang mga dudulog na nakararanas ng sintomas ng sakit na leptospirosis.

Maaaring makuha ang sakit mula sa mikrobyo na nasa ihi ng mga hayop, kadalasan ay mga daga.

Kapag naanod ang mga mikrobyo sa baha ay maaari itong makuha ng mga tao lalo na ng mga may sugat.

Ilan sa mga sintomas ng leptospirosis ay ang lagnat, pananakit ng ulo at katawan, paninilaw ng balat, pag-ubo ng dugo, at hirap sa pag-ihi.

Nagpaalala naman si Liqueta na agad na maghugas ng paa pagkatapos lumusong sa baha at agad na kumonsulta sa doktor kapag nakaranas ng sintomas ng leptospirosis.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.