'Fast lane' para sa leptospirosis patients, binuksan ng NKTI

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2018 12:28 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagtalaga ang National Kidney Transplant Institute (NKTI) ng "fast lane" para agarang matugunan ang mga dudulog na nakararanas ng sintomas ng sakit na leptospirosis.

Ito ay para makaagapay rin sa lumulobong bilang ng isinusugod sa nasabing ospital bunsod ng leptospirosis.

"Para sa mga gustong magpakonsulta, na siyempre mayroon nang simtomas, dumiretso na lamang sa emergency room. Pero 'yong iba na gusto munang magpakonsulta at kukuha ng doxycycline, puwede po sa OPD," ani Dr. Rosemarie Liquette.

Sa pinakahuling tala ng NKTI mula noong Hunyo 9, umabot na sa 61 ang kaso ng leptospirosis sa ospital, 9 ang nasawi.

Naitala naman sa CARAGA ang pinakamataas na bilang ng nagkasakit ng leptospirosis sa bansa.

Pumalo ang bilang sa 300 porsiyento kumpara noong nakaraang taon, ayon sa Department of Health (DOH).

Karamihan sa mga ito ay mula sa Surigao City at Surigao del Norte.

Medical assistance

Paninigurado ng DOH, walang kailangang alalahanin na gastos sa DOH hospitals.

"Sagot din ng PhilHealth at mayroon ding Medical Assistance to Indigent Patient program," ani DOH Sec. Francisco Duque III.

Nagpaalala rin ang DOH na magdoble-ingat kung susuong sa baha.

"Napakahalaga na naka-botas kayo lalo na kung alam niyong may alipunga kayo na kapag kinamot ay nagkakaroon ng maliliit na sugat at ganitong paraan pumapasok ang leptospira bacteria," dagdag ni Duque.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.