11 sasakyang ninakaw, narekober

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2018 03:11 PM

Narekober ng awtoridad ang 11 sasakyang natangay mula sa mga biktima sa pamamagitan ng pasalo cars o assume balance at ng modus na rent-tangay.

SAN FERNANDO CITY, Pampanga – Nasa 11 ninakaw na mga sasakyan ang narekober ng awtoridad sa magkakaibang lugar sa Bataan, Bulacan, Tarlac, at National Capital Region (NCR).

Dumagsa sa opisina ng Highway Patrol Group Region 3 ang ilang biktima ng mga natangayang sasakyan na nanggaling pa sa mga lugar ng Cavite, Batangas, Valenzuela, at Caloocan. 

Ilan sa kanila ay biktima ng assume balance o pasalo cars, kung saan itinutuloy na lamang ng bumili sa kanilang sasakyan ang balanse sa bangko. 

Matapos mabayaran ng nasa P100,000 ang biktima, hindi na itinutuloy ng suspek ang bayad sa bangko at ibinebenta pa sa iba ang sasakyan sa mas mahal na halaga. 

Mabilis daw nakuha ang tiwala ng mga biktima dahil sa mga dokumento at IDs na ibinigay ng mga suspek, pero kalaunan ay napag-aalamang peke pala ang mga ito.

Isa pa sa naging modus ay ang rent-tangay o ang pagrenta ng mga suspek sa sasakyan at hindi na muli pang naibabalik sa mga biktima.

Walo sa mga sasakyan ang natagpuan sa Bataan, isa sa Bulacan, isa sa Tarlac at isa din sa NCR. Ilan sa mga ito ay kusang isinuko ng mga napagbentahan ng mga suspek habang ang iba naman ay naharang mismo ng HPG.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.