VIRAL: Ina ng dentistry student na nasunugan, umapela para sa bagong tools ng anak

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2019 08:13 PM | Updated as of Jul 01 2019 06:50 PM

MAYNILA - (UPDATE) Nananawagan ng tulong ang ina ng isang graduating dentistry student matapos matupok ang aabot sa P80,000 hanggang P100,000 halaga ng kaniyang dentistry tools sa sunog sa Antipolo City, Rizal. 

Kuwento ni Sherry Anne Sison sa ABS-CBN News, matinding napinsala ang ikalawang palapag ng kanilang bahay sa Cupang nang masunog ito noong Hunyo 23. 

Kasama sa nawala sa sunog ang kagamitan ng kaniyang anak na si Charles, na magtatapos sa kursong dentistry sa Centro Escolar University. Naging abo ang kanyang mga gamit gaya ng dentistry tools, uniform, lab gown at iba pang mga dokumento na kinakailangan sa eskuwela. 

Sa ngayon ay nanunuluyan sila sa bahay ng kanilang kaanak. 

Sa kagustuhang matuloy ang pangarap ng kaniyang anak na maging dentista, idinaan ni Sison ang kaniyang panawagan sa Facebook, na sa ngayon ay umani ng aabot sa 4,000 likes at shares. 

 

"Nahiya pa nga ako magpost kasi uling na talaga 'yong mga gamit. Sinabihan lang ako ng mga kapatid ko na viral yung post, meron na 4,000 likes and 6,000 shares. Di 'ko po inexpect na aabot sa ganun," ani Sison. 

Sa ngayon ay aabot na sa pito ang nagpaabot ng kanilang tulong sa pamilya. 

Pero kulang pa rin ang kagamitan ng kaniyang anak at kinakailangan nilang bumangon muli sa P400,000 hanggang P500,000 na halagang pinsala na idinulot ng sunog sa kanilang bahay kaya nananawagan pa sila ng karagdagang tulong.

"Sa mga tumulong lubos ang aming pasasalamat at tinatanaw na utang na loob. Sa mga nais pang tumulong 'wag po sana sila magdalawang isip kasi meron silang matutulungang bata na matupad ang kanyang pangarap na maging dentista," ani Sison. 

Maaaring makipag-ugnayan kay Sison sa kaniyang Facebook account ang mga nais tumulong o kaya tingnan ang kanilang funding page

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.