Mag-asawang nagkakatay at nagbebenta ng karneng aso, timbog

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2019 12:28 PM

 

Arestado ang mag-asawang may-ari ng karinderya dahil sa pagkakatay at pagbebenta ng karneng aso sa Nueva Ecija.

Nakilala ang mag-asawa na sina Danilo at Susana Gallardo, may ari ng Rica’s Eatery sa Barangay Barrera sa Cabanatuan City.

Huwebes nang salakayin ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group at mula rin sa Animal Kingdom Foundation ang barung-barong ng mag-asawa na ginagawang katayan ng aso.

Nagbebenta rin ng mga putaheng may sangkap na karneng aso ang mag-asawa.

Pitong buhay na aso ang nasagip ng nasabing foundation mula sa nasabing operasyon.

Bagama’t nagpakita ng barangay permit para sa karinderya ang mag-asawa, hindi naman nila idineklarang gagawing katayan ng aso ang kanilang negosyo.

Bukod sa paghahain ng karneng aso, nagdedeliver din sila ng hilaw na karne ng aso at lutong ulam sa mga kapitbahay.

Ayon kay Atty. Heidi Caguioa, program director ng foundation, inireklamo na nila sa piskalya ang mag-asawa ng paglabag sa Animal Welfare Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.