Isang toneladang ‘hot meat’, kinumpiska sa Bacoor

Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2019 06:38 PM

Nakatakdang sunugin ang nakumpiskang mga karne mula sa palengke sa Bacoor, Cavite. Larawan mula sa National Meat Inspection Service Region IV-A

BACOOR, Cavite—Tinatayang isang toneladang karneng hindi dumaan sa accredited slaughterhouse ang kinumpiska ng National Meat Inspection Service (NMIS) sa isang palengke sa lungsod na ito Biyernes.

“Hot meat ang mga ito. Hindi ito dumaan sa mga accredited na katayan,” sabi ni Dr. Ferdinand Lontoc, director ng NMIS Region IV-A.

Dinala na ang mga nakumpiskang karne sa kanilang opisina sa Lipa City at nakatakdang sunugin.

Mula Enero hanggang Hunyo, umabot na sa higit 20 operasyon ang isinagawa ng NMIS sa rehiyon kung saan abot sa 6 na toneladang mga kontaminado at mishandled na karne ang kinumpiska.

Adbokasiya ng NMIS na magkaroon ng mas maraming accredited slaughterhouse at tangkilikin lamang ang mga karneng galing dito.

“ ’Pag may sakit ang baboy bago katayin hindi na mai-inspect ’pag backyard kakatayin at ibenta na,” paliwanag ni Lontoc.

Paalala pa ng NMIS na kakasuhan na nila ang mga paulit-ulit na nagbebenta ng hot meat at mishandled na karne.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.