GEM-VER fishers nabigyan ng bigas, P1-M pang-ayos ng bangka

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2019 08:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinagot ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII), isang grupo ng mga negosyante, ang pagpapaayos sa lumubog na F/B GEM-VER, ang bangkang pangisda ng mga Pinoy na nawasak matapos banggain ng Chinese vessel sa bahagi ng West Philippine Sea. 

Nitong Biyernes ay pinagkalooban ng FFCCCII ang 22 mangingisdang sakay noon ng F/B GEM-VER ng P1.2 milyon para sa kompletong rehabilitasyon ng kanilang nasirang bangka. 

Bukod pa ito sa 50 sako ng bigas at P250,000 tulong pinansiyal para sa mga mangingisda.

Magdo-donate din ng 5 school buildings ang grupo sa San Jose, Occidental Mindoro kung saan nakabase ang pamilya ng 22 mangingisda.

Hiling ng FFCCCII, huwag nang lagyan ng kulay ang kanilang pagtulong lalo't taospuso raw nila itong binigay sa mga mangingisda. 

"Walang strings attached ito. Walang kulay ito, walang galing sa China ito. Galing sa federation ito," giit ni Henry Lim Bon Liong, pinuno ng pederasyon. 

Ayaw na rin ni Bon Liong makisawsaw sa magiging tugon ng gobyerno sa tanging hiling ng mga mangingisda na huwag nang payagan ang mga Chinese na mangisda sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa. 
    
"Labas na kami diyan. Mahirap na anuhin si Presidente, siya ang ano ng bansa natin eh. Ang ano ng federasyon kung sino ang administrasyon suportahan namin," saad ni Bon Liong. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nag-aalala naman ang may-ari ng F/B GEM-VER na baka tumigil na ang suporta sa kanila ng pamahalaan ngayong nagbitiw na sa puwesto sa si Agriculture Secretary Manny Piñol, na siya umanong nangako ng tulong sa kanila. 

"Natatakot lang kami kasi baka mawala na 'yung tulong na sinabi niyang ibibigay sa amin," sabi ni Arlinda dela Torre, may-ari ng bangka. 

Siniguro naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), na nasa ilalim ng pamumuno ng Department of Agriculture, na walang dapat ipangamba ang mga mangingisda ng F/B GEM-VER. 

"Tuloy-tuloy pa rin po ang tulong, wala naman pong sinabi si Sec. Piñol na huminto kami," ani Elizer Salilig, regional director ng BFAR-Mimaropa. 


—Ulat nina Chiara Zambrano at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.