106 umano'y illegal Chinese workers sa Laguna nasa kustodiya ng BI

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2019 03:13 PM | Updated as of Jun 28 2019 03:30 PM

Aabot sa 106 Chinese nationals na hinihinalang ilegal na nagtatrabaho sa pagawaan ng electronic products sa Laguna ang nilagay sa kustodiya ng Bureau of Immigration nitong Huwebes.

Sinuyod ng mga tauhan ng Biñan police at mga ahente ng Immigration Bureau ang tanggapan ng Smartwin Technology Incorporated, na gumagawa at nagsu-supply ng mga electronic product tulad ng charger kung saan nakita ang mga manggagawa.

Ayon kay Biñan police chief Lt. Col Danilo Mendoza, dadalhin sa tanggapan ng BI sa Maynila ang mga Chinese workers para idaan sa beripikasyon at revalidation ang kanilang mga dokumento.

Kapag mapatutunayang wala silang sapat na papeles para makapagtrabaho sa bansa ay kakasuhan sila ng paglabag sa immigration laws at ipade-deport pabalik sa kanilang bansa.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.