'No homework' kapag weekend, isinusulong na rin sa private schools

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2018 11:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inilahad ng ilang magulang ang kagustuhan nilang alisin ang pagbigay ng takdang-aralin sa mga mag-aaral ng pribadong eskuwelahan tuwing weekend.

Ito ay para magkaroon anila ng oras ang kanilang mga anak na makapaglaro at makasama ang pamilya nang mas matagal.

Kabilang ang nanay na si Dona Cargullo sa mga magulang na gustong alisin ang pagbibigay ng assignment tuwing weekend.

"Madadagdagan 'yong time nila na matuto din sa kung ano 'yong pwede nilang matutunan sa bahay," ani Cargullo na mayroong dalawang anak na nag-aaaral sa pribadong paaralan.

Sa kasalukuyan, tanging mga pampublikong paaralan ang sakop ng pagtanggal sa takdang-aralin tuwing weekend.

Ito ay nakabase sa direktiba na inilabas ng Department of Education (DepEd) noong 2010.

Ayon sa DepEd, maganda ang dulot ng limitadong assignment sa mga mag-aaral. 

"Kailangan kasi ng time for self care ng bata. The education has to be holistic, so ibig sabihin 'yong time for personal development for bata is very important," ani DepEd Usec. Anne Seviila.

Kaya't gusto rin ng mga magulang na mapasama ang mga pribadong paaaralan.

Hindi sang-ayon

Para sa grupo ng mga pribadong paaralan, mas importante pa rin na may ginagawang takdang-aralin ang mga mag-aaral tuwing weekend.

"Nasira na ng social media ang magandang image ng tablet education, cyber crime, cyber addiction, depression, lahat yan nangyayari kapag nasa bakasyon ang estudyante eh," ani Eleazardo Kasilag, pangulo ng Federation of Associations of Private Schools and Administrators.

"Sa homework, nao-obliga mo 'yong bata na mag-aral...ang mga bansa na nangunguna sa edukasyon, sa South Korea, Japan, halos araw-araw binibigyan sila ng exams sa klase," dagdag niya.

Hindi pa muna ilalatag ng DepEd ang no homework policy sa mga private elementary school ngunit bukas anila ang departamento na pag-aralan ito.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.