3 bahay, nasira ng pagbayo ng malakas na hangin

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2018 07:56 PM

Nawalan ng yerong bubong ang isa sa tatlong bahay na apektado ng pagbayo ng malakas na hangin sa Barangay Palian sa bayan ng Tupi sa South Cotabato. Larawan mula sa Barangay Palian Council

TUPI, South Cotabato - Tatlong bahay ang nasira ng malakas na hangin sa Purok 2, Barangay Palian, sa bayang ito, Martes ng hapon. 

Lumipad ang mga yero ng bahay ng pamilya Noto, del Rosario, at Sacandal habang may ilang pananim din ang nasira tulad ng mga papaya at saging.

Ayon kay Barangay Kagawad Datulim Kalamonggi, hindi umano malaki ang halaga ng danyos dahil nasa 30 puno lang ito. May mga natumba ring punong kahoy sa gitna ng highway sa barangay.

Sa pagsasalarawan ng ilang residente, naging makulimlim muna ang kalangitan at umambon bago sinundan ng paghampas ng malakas na hangin.

Paliwanag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang masamang panahon ay bunsod ng localized thunderstorm.

Nabigyan na ng family packs at kaunting financial assistance ang mga apektadong pamilya para sa pagkumpuni ng kanilang mga bahay.

Patuloy naman ang kampanya ng awtoridad sa komunidad at mga paaralan na laging paghandaan ang masamang panahon para maging ligtas sa anumang sakuna.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.