Utang ng mga guro di na ikalkaltas sa kanilang take-home pay

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 08:28 PM

Hindi na bago sa gurong si Solita Daz ang usapin ng utang. 

Pero sa tuwing ito’y napapag-usapan, hindi niya mapigilan ang maluha dahil P5,000 lang sa suweldo niyang higit P27,000 ang natitira sa pagbayad ng utang sa gobyerno at sa mga private lending institutions (PLI). 

"Mahirap na maging nanay sa panahon ngayon. Lalo na kung teacher ka. Ang hirap. Kasi 'di lang gastos sa bahay kung hindi gastos sa school,” halos maiyak na sabi ni Daz. 

Isa lang si Daz sa mga guro at kawani ng Department of Education (DepEd) na nasa naturang sitwasyon. 

Pero mababago na ito dahil ayon sa utos na inilabas ng DepEd, hindi na kakaltasin mula sa suweldo ng mga guro ang utang nila mula sa 16 na PLI. 

Alinsunod ito sa General Appropriations Act of 2019 kung saan masesegurong hindi bababa sa P5,000 ang net take home pay ng mga guro at kawani. 

Maaalagaan din ang kanilang retirement dahil uunahin ang pagbabayad sa Government Service Insurance System. 

Pero ipinaalala ng DepEd na kailangan nang bayaran over the counter ang utang sa mga PLI. 

“Outstanding pa rin ang mga loans pero kailangan po natin itong bayaran over the counter. Ibig sabihin, kanya-kanya na po kayo na magbayad,” ani DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla. 

Para sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) pabor sila rito kaya lang, hindi pa rin ito tugon sa umano’y problema ng kakarampot na suweldo ng mga guro.

"Sa amin sa ACT, di naman namin yan tinututulan. 'Yun nga kay Secretary Briones, gumagawa naman siya ng paraan para mapaayos ang financial capacity ng mga teachers,” ani ACT National Chairperson Joselyn Martinez. 

Ipinanawagan din ng ACT na taasan ang suweldo ng mga guro. 

Plano ng DepEd na ipatupad ang bagong polisiya sa darating na Agosto para mabigyan ng pagkakataon na makapag-adjust hindi lang ang kanilang mga kawani at guro, kung hindi pati na ang kanilang sistema.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.