'Paluwagan scam' sa GenSan inireklamo; halos P1 bilyon natangay umano

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 03:04 PM

Umabot na sa 251 tao ang nagreklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) Sarangani District Office matapos umano silang mabiktima ng "paluwagan scam."

Ayon kay NBI special investigator III Jeffrey Mosqueda, kasong syndicated estafa ang hinaharap ngayon ng itinuturong mastermind na si Shiela Agustin at 26 pa niyang kasabwat.

Kung pagsasamasamahin, nasa P892,140,892 na ang sinasabing inambag ng mga biktima sa paluwagan ng suspek, sabi ni Mosqueda. 

Pero aniya, puwedeng umabot sa halos P1 bilyon ang tinatayang nakulimbat ng mga suspek. 

"May mga bago pa kasing mga nag-file ng complaint kaya madadagdagan pa itong claims na ito at posibleng mahigit P900 million na ito," ani Mosqueda.

Samantala, kampante naman ang Yap Bansiloy Sanchez Law Offices, na kumakatawan kay Agustin, na madi-dismiss ang mga isinampang kaso dahil wala umanong patunay na direktang natanggap ng suspek ang mga pera.

Gayunpaman, sinabi ng law firm na handa si Agustin na ibalik ang pera sa mga lehitimong claimant. 

—Ulat ni Jay Dayupay, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.