Paggamit ng tricycle sa holdapan dumadalas: MPD

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 08:18 PM

Kung dati-rati ay motorsiklo lang ang ginagamit sa panghoholdap, tila may bagong istilo ang mga kawatan ngayon dahil madalas na rin silang gumamit ng tricycle, base sa obserbasyon ng Manila Police District (MPD).

Ayon sa pulisya, sunod-sunod ang mga nahuhuli nilang "tricycle-in-tandem" na ginagamit sa ilegal na aktibidad. 

Noong Martes lang sa Sampaloc, Maynila ay nasapul sa CCTV ang panghoholdap ng isang lalaki sakay ng tricycle bilang kaniyang getaway vehicle.

Sa follow-up operation ay naaresto ang dalawang magkasabwat at narekober sa kanila ang ginamit na tricycle.

Nadiskubreng parehong galing sa kulungan ang dalawa sa kasong robbery at murder. 

Nalaman din na noong Abril ay nakuhanan naman ng dash cam ang dalawa sa panghoholdap nila sa Malate gamit pa rin ang naturang tricycle.

Dahil dito, sinabi ng MPD na mas lalo nilang hihigpitan ang checkpoint. Noon kasi, mas pinaghihinalaan sa krimen ang mga motorsiklo kaysa tricycle.

"Ayon sa direktiba ng ating district director, maghihigpit tayo sa mga tricycle, na posible ring nambibiktima ng ating kababayan," ani Police Lt. Col. Carlo Manuel, MPD public information officer. 

Pinag-aaralan din nila ang iba't ibang paraan kung paano pa mare-regulate ang ilang mga tricycle sa Maynila.


—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.