Menor de edad na miyembro ng NPA sumuko sa Davao Del Norte

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 09:55 PM

Isang 14-anyos na babae na miyembro umano ng National People's Army ang sumuko sa militar sa Davao Del Norte nitong Huwebes. Kuha ng 1003rd Brigade Philippine Army

Sumuko sa militar sa Davao Del Norte nitong Huwebes ang isang 14-anyos na babae na umano'y miyembro ng National People's Army.

Walong buwan pa lang umano ang menor de edad sa NPA, kung saan ito nagsilbi bilang medic ng Andoy Platoon guerrilla unit, bago ito sumuko sa 1003rd Brigade ng Philippine Army sa bayan ng Talaingod.

Ayon kay Col. Nolasco Mempin, komander ng 1003rd Brigade, hindi na nakayanan ng bata ang hirap at pagtatago sa kabundukan kaya sumuko ito.

Nilipat sa munisipyo sa Talaingod ang menor de edad para sa debriefing at kung saan pag-dedesisyunan kung papabalikin sa mga magulang ang bata o mananatili muna sa poder ng munisipyo.

Ayon sa Philippine Army, 165 regular na miyembro ng NPA ang sumuko sa gobyerno mula Enero hanggang Hunyo nitong taon.

Siniguro ng militar na may livelihood at financial assistance na matatanggap ang mga sumusuko na NPA sa ilalim ng enhanced comprehensive local integration program o E-CLIP. — Ulat ni Paul Palacio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.