Ilang negosyo sa Binondo sinita ng SSS dahil sa di paghuhulog

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 04:24 PM


MAYNILA — Sinuyod nitong Huwebes ng mga tauhan ng Social Security System (SSS) ang hanay ng tindahan sa Binondo na hindi umano nagbabayad ng kontribusyon sa ahensiya.

Pinuntirya ng operasyon ang mga tindahan ng pampasuwerte at iba pang Chinese merchandise sa kahabaan ng Ongpin Street.

Sa datos ng SSS, nasa 10 hanggang 15 pribadong establisimyento sa Ongpin Street pa lamang ang nadiskubreng hindi nakarehistro sa kanilang ahensiya.

Dahil hindi rehistradong SSS members, malinaw umano na hindi rin nito binabayaran ang kontribusyon ng mga empleyado kaya wala silang benepisyo.

Inisyuhan ng show cause order ang mga negosyo para obligahin silang sundin ang panuntunan ng SSS sa loob ng 15 araw. 

Nilinaw naman ng SSS na hindi nila pinag-iinitan ang mga Chinese at nagkataon lamang na iyon ang mga lumalabag. 

— Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.