Gym ng NKTI, ginagamit na para sa dumaraming kaso ng leptospirosis

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2018 11:13 PM

Dumami ang bilang ng mga pasyenteng tinamaan ng leptospirosis sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) kaya't ginagamit na rin ng ospital ang gym nito para maserbisyuhan ang mga pasyente.

Higit 20 pasyente ang kayang paglingkuran ng gymnasium na ginawang extension ward ng NKTI.

Sa loob lamang ng tatlong araw ay nakapagtala ng 6 na patay ang NKTI bunsod ng sakit na leptospirosis.

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinitingnan ang halos walang humpay na malakas na pag-uulan at matinding pagbaha nitong mga nakaraang araw bilang dahilan sa pagdami ng kaso ng leptospirosis.

"It's alarming kasi we usually get about 1 to 2 patients a week even less, we expected po na dadami dahil sa rainy season, pero hindi ganito kadami," ani Dra. Romina Danguilan, hemodialysis unit head ng NKTI.

Maaaring makuha ang sakit mula sa mikrobyo na nasa ihi ng mga hayop, kadalasan ay mga daga.

Kapag naanod ang mga mikrobyo sa baha ay maaari itong makuha ng mga tao lalo na ng mga may sugat.

Sa datos ng Department of Health (DOH), nasa 1,030 na ang naitalang kaso ng leptospirosis sa bansa mula Enero hanggang Hunyo 9. 

Mas mataas ito ng 41 porsiyento sa parehong panahon noong nakaraang taon kung kailan 733 na mga kaso ang nairekord.

Ayon din sa DOH, rehiyon 6 ang mayroong pinakamaraming kaso ng leptospirosis na 221. Kasunod ang CARAGA na may 162 at rehiyon 9 na may 81.

Paalala ng mga espesyalista, kapag lumusong sa baha kahit na walang sugat ay mas mainam na magpunta sa doktor upang mabigyan ng prophylaxis pangontra sa sakit.

"Pumunta sa DOH hospitals, 'yong iba sa barangay health centers, makikita nila ang mga doktor at mga doktor na ang magpe-prescribe ng mga gamot," dagdag ni Danguilan.

Libreng gamot

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Quezon City ay pinayuhan ng city health department ang mga residente na pumunta sa barangay health centers para makakuha ng libreng gamot laban sa leptospirosis.

Batay sa tala ng Quezon City health department, 36 na ang tinamaan ng leptospirosis sa lungsod simula noong Enero 1 hanggang Hunyo 16, 2018.

Siyam ang namatay dahil sa naturang sakit sa loob ng nabanggit na panahon.

"Kailangan mo lang magpakonsulta sa health center natin, not necessarily may sintomas basta may exposure ka sa baha, bibigyan ka ng libreng prophylaxis," ani Dr. Rolly Cruz.

Tumaas ng 33 porsiyento ang nagkasakit ng leptospirosis sa Quezon City kumpara noong nakaraang taon. 

-- Ulat nina Kori Quintos, Joyce Balancio, at Katrina Domingo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.