House Bill 5224, mahalaga ba talaga?

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2017 09:54 PM

Mahalaga nga bang repasuhin ang batas sa tamang paggamit ng mga pambansang simbolo at tamang pag-awit ng "Lupang Hinirang"?

Paliwanag ni Alvin Alcid, hepe ng Research, Publications and Heraldry Division ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), mahalagang bigyan ng pansin ang tamang paggamit sa bandila at tamang pag-awit sa pambansang awit dahil ito ang sumisimbolo sa bansa.

"Although alam naman nating maraming problema ang bansa, maganda rin na bigyang pansin natin ito kasi simbolo po ng bansa natin ito, simbolo po ng bayan natin ito," aniya.

Ipinasa ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong pagmultahin ang mga sasablay sa pag-awit ng "Lupang Hinirang."

Nakasaad rin sa House Bill 5224 ang mga patakaran sa tamang paggamit ng bandila at iba pang pambansang simbolo.

Ayon kay Alcid, maglalabas ng gabay ang NHCP sa oras na maipasa na ang panukalang batas. Magkakaroon rin ng konsultasyon sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) hinggil sa mga pagbabagong ipapatupad.

Kabilang sa mga panukalang pagbabago ay ang bilis ng pagkanta ng Lupang Hinirang, kung saan 2/4 beat ang pagtugtog dito, at dapat ay nasa 100 hanggang 120 beats per minute sa 4/4 beat kapag kinakanta.

"Sa panukala po, medyo mabagal na 'yung pagkanta. Siguro mabibigyan ng emphasis ngayon, masusundan na natin 'yung tamang pag-awit. Kung sasabayan ng awit, mas mabagal na siya ng kaunti kaysa sa nakasaad sa batas ngayon," ani Alcid.

Sakaling maipasa ang batas, aabot sa P50,000 hanggang P100,000 ang multang haharapin ng mga lalabag sa probisyon nito.

Dagdag ni Alcid, sakop rin sa multa ang maling paggamit ng mga pambansang simbolo.