Pekeng abogadong nangikil ng halos P800,000 huli sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2019 05:11 PM | Updated as of Jun 26 2019 06:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Natimbog noong Martes ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang lalaki na umano ay nagpakilalang abogado at nangikil ng P800,000 sa isang barangay chairman sa Santa Maria, Bulacan.

Nagkasa ng entrapment operation ang mga kawani ng CIDG sa Bulacan, na nauwi sa pagkakaaresto sa suspek na si Roberto Garcia.

Narekober kay Garcia ang pekeng ID ng Integrated Bar of the Philippines at isang lisensiyadong baril.

Ayon sa biktimang chairman, kinuha niya ang pekeng abogado para ilapit dito ang kasong may kinalaman sa lupa.

Nakakuha rin ng certification mula sa Supreme Court ang kampo ng biktima na nagsasabing hindi abogado si Garcia.

Mahaharap si Garcia sa kasong extortion, usurpation of authority at falsification of public documents.

Plano rin ng biktima na sampahan ng kaso ang isa pang kasamahan ng suspek na nagpanggap din umanong abogado at kasama ng suspek na nangolekta ng pera.

--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.