Hotel manager kritikal matapos pagbabarilin sa Butuan City

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2019 06:54 PM

Pinagbabaril ang isang hotel manager habang bumibili ito sa isang tindahan sa Barangay J.P. Rizal, Butuan City Miyerkoles ng hapon. Courtesy of Butuan City PNP

BUTUAN CITY - Kritikal ang isang hotel manager matapos pagbabarilin sa isang tindahan sa Barangay J.P. Rizal dito sa siyudad Miyerkoles ng tanghali.

Kinilala ang biktimang si Norle Dizon, 49, na iniulat na bibili lang ng energy drink sa nasabing tindahan na malapit sa kaniyang pinagtatrabahuhan.

Ayon sa mga awtoridad, hinintuan si Dizon ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na nakasakay sa motor at pinagbabaril ito. 

Nakasuot umano ng helmet at maskara ang mga salarin na agad tumakas matapos ang krimen.

Agad namang isinugod sa ospital si Dizon na nagtamo ng tama ng bala sa pisngi at tiyan.

Dalawang basyo ng kalibre .45 na baril ang natagpuan sa crime scene.

Posibleng inabangan ng mga suspek si Dizon na makalabas sa kaniyang pinagtatrabahuhan, ayon sa pulisya.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen. - Ulat ni Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.