2 sekyu timbog sa pagbebenta ng pekeng TIN ID sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2019 12:10 AM

ZAMBOANGA CITY - Dalawang security guard na umano'y kasabwat sa pagbebenta ng pekeng tax identification number (TIN) ID sa opisina ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang arestado sa isang entrapment operation na isinagawa mismo sa opisina ng BIR noong Miyerkoles.

Ayon kay National Bureau of Investigation Regional Director Moises Tamayo, ikinasa nila ang isang entrapment operation sa loob mismo ng opisina ng BIR kung saan naka-duty ang dalawang guwardiya na sina Jul-asbi Sampang at Sitti Saifa Jaalam, matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay sa kanilang ilegal na gawain.

Nang inabot na ng isang asset ang marked money sa mga guwardiya ay agad silang inaresto ng mga NBI agent. Nanlaban pa umano si Sampang at sinubukang agawin ang baril ng isang NBI agent.

Sa kalaunan ay naaresto din si Sampang at dinala sa opisina ng NBI.

Nagtamo naman ng minor injury ang isa sa mga NBI agent.

Ayon kay Tamayo, ibinebenta ng dalawang guwardiya ang mga pekeng TIN ID sa ilang tao na di umano’y konektado sa ilang bandidong grupo sa Zamboanga peninsula at BASULTA area.

Nagagamit din umano ang pekeng TIN ID na ito sa mga ilegal na aktibidad ng mga bandido.

Noong Agosto 31, 2018 nang unang makatanggap ng intelligence information ang NBI Counter Terrorism Division kaugnay sa modus ng ilang guwardiya sa BIR office sa Zamboanga City.

Pinepeke umano nila ang pangalan sa TIN ID para magamit sa pagkuha ng pasaporte, samantalang ang iba nama’y ibinebenta sa mga bandido.

Iniimbestigahan na din ngayon ng NBI kung konektado sa grupong Abu Sayyaf ang dalawang naarestong guwardiya.

Noong June 21 ay sinampahan na sila ng NBI ng tatlong kaso, kabilang na ang paglabag sa Republic Act No. 11032 o ang Anti-Red Tape Act of 2007, paglabag sa Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at direct assault bilang paglabag sa Article 148 ng Revised Penal Code.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.