Bagong tulay, ipapalit sa Otis: DPWH

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2018 06:45 PM | Updated as of Jun 26 2018 08:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Panibagong tulay ang ipapalit ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Otis, Manila matapos mabiyak ang suportang bakal sa gitnang bahagi nito.

"Tatanggalin, ide-demolish, tatanggalin lahat ng foundation at maglalagay ng bago," paliwanag ni Engineer Mikunug Macud ng South Manila District Engineering office ng DPWH.

Ayon naman kay General Manager Jojo Garcia ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), hindi na talaga ligtas pang madaanan ang naturang tulay. 

"Ang pakiusap namin yung katulad ng ginagawa natin nun, yung kalahati binubuksan para passable," Garcia.

Ayon sa DPWH, taong 1968 pa nagawa ang naturang tulay at simula noon ay hindi pa ito nakukumpuni. 

"Ang maganda lang, nasira siya nang walang aksidente kaya nagising tayo ulit," ayon kay Garcia.

Bukod sa katandaan, tinatayang nasa 6,000 mga truck na galing pa ng pier ang dumadaan dito kahit pa lagpas na ang kanilang bigat sa kapasidad ng tulay.

Naghihintay naman ang MMDA ng listahan mula sa DPWH ng mga estado ng tulay sa kalakhang Maynila nang maabisuhan din ang publiko at mga motorista.

"Nangako naman sila na ipadadala sa amin (listahan) so we warn the public and put some restrictions on that bridge," sabi ni Garcia.

Paliwanag pa ng MMDA na taong 2016 pa nang nabigyan nila ng permit ang DPWH para sa pagsasaayos ng Otis Bridge pero naisabay ito sa pagkukumpuni ng Concordia bridge.

"Mas kailangang gawin yung Concordia Bridge kasi may Skyway tayo dyan," sabi ni Garcia.

May request din umano ang DPWH sa Meralco dahil hindi nila pwedeng galawin ang Otis bridge dahil sa poste at maraming wires na nakakabit doon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.