Pagkamatay ng MPD detainee, pinaiimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2018 09:29 PM | Updated as of Jun 25 2018 10:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaiimbestigahan ng Manila Police District (MPD) ang pagkamatay ng isang lalaking nakadetene sa MPD Station 11 noong nakaraang linggo dahil sa alegasyon ng kaniyang kaanak na hindi siya namatay sa sakit.

Ayon kay MPD spokesperson Superintendent Erwin Magarejo, isinailalim nila sa autopsy ang bangkay ng detainee na si Johnny Valiente na namatay noong Hunyo 18.

"We are still waiting for the [result of the] autopsy," ani Margarejo. "As a procedure, kapag may ganiyan, nago-order ako ng conduct of investigation."

Nakuhanan pa ng CCTV ng selda ang matamlay na si Valiente habang pinapaypayan ng kapwa detainee at tila pinakikiramdaman ang temperatura bago siya isinugod sa ospital at binawian ng buhay.

Septic shock o impeksiyon sa dugo umano ang ikinamatay ni Valiente.

PINAG-INITAN?

Pero ayon sa mga kaanak at kakilala ni Valiente, mahirap paniwalaang sakit ang ikinamatay ni Valiente lalo at malakas ang pangangatawan niya bago siya hinuli.

"We believe hindi naman dapat namatay 'yong bata e. Wala namang sakit na nakakamatay 'yan at saka malusog na malusog siya," ani Marlo Raymundo, kaibigan ng pamilya Valiente.

Dagdag pa ni Raymundo, posibleng napag-initan si Valiente dahil nagbanta ito sa mga pulis bago makapagpiyansa.

"Siya naman ay dapat mag-bail na, inabot lang ng Eid'l Fitr... Parang nagsalita siya na 'babalikan ko kayo' sa pulis. Tinreathen niya 'yong mga pulis. That would trigger whatever retaliation," aniya.

Ayon naman kay Senior Inspector Sonny Reyes ng MPD Station 11, malabo ang iniisip ng mga kaanak at kakilala ni Valiente dahil bantay-sarado ang mga detainee at bawal din ang basta-bastang pagpasok ng mga pulis sa custodial facility.

May mga pagkakataon ding nakikipag-away si Valiente sa iba pang detainee, ayon kay Reyes.

Base sa datos ng MPD, mula Enero hanggang Hunyo nitong taon, 20 na ang namatay sa mga preso at detainee na kanilang dinala sa ospital.

Karaniwang sanhi anila ng pagkamatay ay hirap sa paghinga at pulmonya.

Dahil patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga preso at detainee bunsod na rin ng paghuli sa mga lumalabag sa iba-ibang ordinansa, ipinag-utos ng MPD sa mga station commander na ipaalam sa Korte ang pagsikip ng mga detention facility para mas bilisan ang pag-issue ng commitment order sa mga inmate at malipat sila sa city jail.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.