1 patay, 1 sugatan sa pagsabog ng rifle grenade

Rona Nuñez, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2017 05:30 PM

Photo courtesy of the Iriga City Police

IRIGA CITY - Agad binawian ng buhay matapos tamaan ng mga shrapnel ng M-76 rifle grenade ang isang babaeng kasambahay sa Camarines Sur.

Nakilala ang biktima na si Marites Capiña, 36-anyos ng Sta. Justina sa bayan ng Buh. Nagtamo siya ng sugat sa iba't-ibang bahagi ng katawan.

Isinugod pa siya sa ospital pero idineklara ng dead on arrival.

Higit isang taon nang nagtatrabaho bilang kasambahay si Capiña sa Barangay San Isidro, Iriga City.

Nangyari ang pagsabog pasado alas-7 ng gabi nitong Biyernes sa mismong kusina ng kanyang amo na si Roy Tino, 48.

Nasa ospital rin si Tino na naputol naman ang kamay at nagtamo ng mga sugat sa insidente.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pag-aari ni Tino ang rifle grenade. Posibleng ipinukpok niya ito sa mesa sa paniniwalang hindi na sasabog.

Nagsagawa ng post blast investigation ang awtoridad sa lugar Sabado ng umaga.

Narekober dito ang mga shrapnel ng M-76.

Ikinabigla at ikinalungkot ng mga kaanak ni Capiña ang insidente.

Kuwento ng kanyang kapatid na si Asuncion, umuwi ito sa kanilang bayan noong nakaraang lingo at nakapagsabi ito na gusto niya nang umalis sa kanyang amo.

Ibinahagi pa ng biktima ang pagkulong sa kanya sa kuwarto ng amo, at nagbanta rin daw itong papatayin ang biktima kapag umalis siya sa bahay nito.

Nakitaan ng pagbabago sa ugali si Tino mula nang mangibang-bansa ang pamilya nito.

Pero naniniwala ang nakababatang kapatid niyang si Jay Tino na aksidente lamang ang nangyari.

Sa ngayon, nais ng pamilya ng biktima na matulungan sila sa pagpapalibing kay Capiña.

Hangad rin nila na masuportahan ang limang naiwang mga anak nito.

Tumanggi sa panayam si Tino na kasalukuyang nasa Bicol Medical Center.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.