Presyo ng karneng baboy tumaas; banta ng ASF sinisi

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2019 06:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Tumaas ang presyo ng karneng baboy mula sa mga local farmer kung kaya nagmahal din ang bentahan nito sa mga pamilihan.
    
Sa pagmo-monitor ng grupong Laban Konsyumer, tumaas nang P2 hanggang P5 ang kada kilong presyo ng baboy mula sa local farmers.

"kataka-taka iyan dahil ngayon lang nangyari ito, simula pa ng pagmo-monitor namin last year," ani Atty. Vic Dimagiba, presidente ng Laban Konsyumer.

Kaya ang presyo ng baboy sa ilang pamilihan, nagtaas na rin nang hanggang P20 kada kilo.
    
Mula raw kasi sa dating P12,000 na presyo ng buong baboy na binebenta sa kanila ng mga biyahero at supplier, ngayon ay P13,000 na ito.

"P220 per kilo po namin kung ibenta mula sa dating P200," sabi ni Lolit Acebron, retailer ng baboy

Ayon sa Laban Konsyumer, isang dahilan ng pagtaas ng presyo ng baboy ay ang pagbabawal sa pagpasok ng imported na baboy mula sa mga bansang may naiulat na kaso ng African swine fever, dahilan para bumaba ang supply ng baboy sa merkado.

Mungkahi ng grupo sa pamahalaan, pag-aralan na rin kung puwede nang patawan ng suggested retail price ang karneng baboy, kahit pansamantala lang.

Para umano ito mapanagot ang mga negosyanteng mahuhuling nag-o-overpricing.

—Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.