Higit P30-M sulat, artwork nina Rizal at mga national artist sinubasta

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2019 12:17 AM

Naisubasta ang higit P30 milyong halaga ng mga sulat ng mga bayani at painting ng mga national artist sa Leon Gallery sa Makati nitong Sabado.

Ang sulat ni Jose Rizal sa ama niyang si Francisco Mercado ay nagkakahalaga ng P1.17 milyon. 

Samantala, ang obra ni national artist Botong Francisco na “The Camote Diggers” sinubasta sa halagang P23.4 milyon.

Ngunit kinukuwestiyon ng ilang mga taga-Angono, Rizal, kung saan nanirahan si Francisco, kung sino ang nagpasubasta sa nasabing artwork.

Iniregalo umano kasi ng asawa ni Francisco na si Rosalina ang naturang painting sa pamilya ng dating Pangulong Ferdinand Marcos pagkatapos pumanaw si Francisco noong 1969.

“Hindi namin puwede isiwalat kung sino ang nagmamay-ari nito (“The Camote Diggers”), dahil sa confidentiality sa kontrata. Gayundin sa kung sino ang mananalong bidder na bagong magmamay-ari nito,” paliwanag ni Lisa Guerrero Nakpil, curator ng Leon Gallery, sa ABS-CBN News.

Dagdag niya, hindi mula sa pamilyang Marcos ang lumapit sa kanila para isubasta ang painting.

Pumalo naman sa P584,000 ang lumalabas na halaga ng liham ng kapatid ni Rizal na si Paciano Mercado para kina Baldemor Aguinaldo at Emilio Jacinto.

Laman ng sulat ni Mercado ang ilang detalye tungkol sa paghahanda para sa pagkilos ng hukbong Katipunan sa Laguna sa rebolusyon noong 1896.

Naibenta naman sa halagang P7 milyon ang “The Filipino Family” ni Fernando Amorsolo mula sa initial auction bid na P5 milyon.

Ang liham ng magkapatid na Juan at Antonio Luna, na naglalaman ng kuwento tungkol sa mga babaeng nauugnay sa kanila, ay sinubasta sa halagang P234,000.

Ayon kay Nakpil, ang mga dokumento at iba pang mga artwork na may kaugnayan sa mga bayani kagaya nina Rizal at ang magkakapatid na Luna ay nakakahikayat para sa mga kolektor ng artwork na makilahok sa mga auction. 

Kasunod nito ang responsibilidad na mapangalagaan ang mga ito ng mga bagong magmamay ari.

“Responsibilidad na ng bagong owners nitong mga sulat na ito o dokumento at iba pang artworks na dapat huwag masira dahil sa nakabalot sa mga ito ang kuwento kaugnay ng ating kasaysayan,” ani Nakpil.—Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.