6 patay sa sunog sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2019 06:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Anim na tao ang nasawi sa sunog na sumiklab sa isang bahay sa Caloocan City nitong madaling araw ng Linggo.

Suffocation ang hinihinalang sanhi ng pagkamatay ni Maricel Roxas, 33, at ng kaniyang mga anak na may edad 10, 4, 2 at 3 buwan, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Namatay rin ang 8 anyos na lalaking pamangkin ni Maricel.

Bandang 2:45 ng madaling araw nagsimula ang sunog habang 3:27 idineklarang fire out, ayon sa BFP.

Nakaligtas naman ang 13 anyos na anak ni Maricel na si Benedict pero napilayan ang braso nito matapos itong tumalon sa bubong.

Nagtamo rin si Benedict ng second-degree burns sa kaniyang ulo, likod at paa.

Inaalam pa ng BFP ang sanhi ng sunog.

Ayon kay Benedict, nakatulugan ng pamilya ang sinindihang kandila.

Tatlong buwan nang naputulan ng kuryente ang pamilya kaya gumagamit sila ng kandila, ayon sa kinakasama ni Maricel na si Albert Basas, na nag-overtime sa trabaho nang mangyari ang sunog.

Nangako si Caloocan Mayor Oscar Malapitan na bibigyan ng pampalibing at tulong pinansiyal ang naulilang ama.

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.