ALAMIN: Mandatory drug test sa Grade 4 students pataas, posible ba?

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2018 05:30 PM | Updated as of Jun 25 2018 10:44 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kamakailan ay umani ng kabi-kabilang reaksiyon ang ipinanukala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na magsagawa ng mandatory drug testing sa mga mag-aaral na Grade 4 pataas sa bansa.

"Hindi namin ginagawa ito to harass children. We do not do this to harass parents. We are trying to do this because we want to save children," paliwanag ni PDEA chief Aaron Aquino.

Ngunit ayon sa isang abogado, bagaman maganda ang intensiyon ng PDEA ay hindi ito maaari sa kasalukuyang balangkas ng batas.

"Kung walang batas na sumasakop sa primary school students ay hindi ito maaaring isakatuparan," ani Atty. Noel del Prado sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM.

Base sa Dangerous Drugs Law, ang pinapayagan lamang na magkaroon ng drug testing sa paaralan ay mga sekondarya at kolehiyo.

Nakasaad din sa RA 9165 Section 36 na mandatory at random sa high school at college students ang pagsusuri sa posibleng paggamit ng droga:

 Students of secondary and tertiary schools – Students of
secondary and tertiary schools shall, pursuant to the related rules and regulations as contained in the school’s student handbook and with notice to the parents, undergo a random drug testing: Provided, That all drug testing expenses whether in public or private schools under this Section will be borne by the government.

Dagdag ng abogado, wala ring batas na naglalaan ng pondo para sa mandatory drug test sa mga mag-aaral sa elementarya.

Hindi puwede aniya na isama ang elementarya sa pondong nakalaan para sa random drug test sa sekondarya at kolehiyo.

'Masyadong bata'

Hindi rin sang-ayon sa panukalang ito ang ilang senador.

Anila, masyado pang bata ang mga Grade 4 na mag-aaral upang isailalim sa drug test.

"Grade 4 might be too young to conduct mandatory drug testing," saad ni Sen. JV Ejercito.

Ayon din kay Sen. Kiko Pangilinan, baka labis na pagkakitaan lamang ng mga drug test center ang panukala ng PDEA.

Magiging pasanin din aniya ng mga magulang ang mandatory drug test sa elementarya dahil walang nakalaan na pondo para isagawa ito ng pamahalaan.

"It is prone to corruption, [it] will become a money-making scheme for test centers and will only further burden the public already suffering from high prices of basic goods," ani Pangilinan.

Pangamba naman ng isang grupo, posibleng maisama sa mga biktima ng kampanya kontra droga ang mga mag-aaral sa elementarya. 

"The plan to push for a mandatory drug testing among Grade 4 pupils makes our children vulnerable targets of tokhang," anang Children's Rehabilitation Center.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.