157 traysikel, pedicab na pumapasada sa national highway, tiniketan ng MMDA

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2018 07:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi na nakapalag ang ilang traysikel at pedicab drivers nang tiketan sa isinagawang clearing operation nitong Sabado sa Katipunan at Commonwealth avenue.

Nagsagawa ng operasyon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa mga traysikel at pedicab na ilegal na bumabaybay sa national highway.

Umaaray naman ang ilan sa mga nasitang drayber sa anila'y pagkitil sa kanilang hanapbuhay.

"Taggutom na kami ngayon, hindi na kayo naawa. Kung dati [ay] kumikita [pa] kami ng P350 sa isang araw, ngayon wala," anang driver na si Robert Oliveros.

Naglabas din ng himutok ang mga naapektuhang pasahero.

"Tricycle lang ang kaya kong sakyan. Kahit po bigyan niyo ako ng pang-taxi, manghihinayang ako. Sana naman po intindihin niyo kami," saad ni Mercilita Itucas na madalas sumakay sa traysikel dahil sa kondisyon sa paa.

Ayon naman sa MMDA at LTFRB, ipinatutupad lang nila ang batas na nagbabawal sa mga traysikel at pedicab na dumaan sa mga national highway.

"Hindi naman kasi puwedeng makipagsabayan sa malalaking sasakyan sa highway [ang mga traysikel at pedicab] kasi malalagay nila sa risk ang mga pasahero nila," ani LTFRB board member Aileen Lizada. 

Aabot sa 157 na mga drayber ang tiniketan sa operasyon. Na-impound naman ang pedicab ng mga sinitang drayber. 

"Hindi naman ito ang unang beses na inikutan namin pero akala nila laging puwedeng mapapakiusapan. Oras na po para makita nila 'yong pangil ng batas," ani Bong Nebrija, pinuno ng MMDA Special Operations.

-- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.