SOCO: 9 anyos iniwang duguan, nakagapos sa ilalim ng tulay sa Cainta

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2019 04:52 PM

 

MAYNILA — Duguan, namamaga ang ulo, at nakatali ang mga kamay at leeg nang matagpuan ang 9-taong gulang na batang babae sa ilalim ng Mapandang Bridge sa Cainta, Rizal noong Pebrero 25, 2019.

Sa isinagawang CT scan, napag-alamang nagtamo ang bata ng skull fracture na maaaring sanhi ng pag-untog o pagpukpok ng matigas na gamit sa kaniyang ulo. Dahil dito, nalagay sa kritikal na kondisyon ang batang si alyas "Mikaela."

"Iyung itsura nung bata, nanghihina tapos nakagapos 'yung leeg, 'yung kamay pati 'yung paa. 'Yung mata niya, 'yung mukha niya, namamaga. Tapos 'yung tenga niya sa kanan, may lumalabas na dugo," kuwento ni John Carlo Vasquez, miyembro ng Cainta Disaster Risk Reduction and Management Office na unang sumaklolo sa biktima.

Sa pag-iimbestiga ng mga kawani ng Cainta police, isang testigo ang nagsabi na nakita niya si Mikaela noong Pebrero 25 kasama ang isang lalaki. Dahil nakangiti ang bata, pakiwari raw ng testigo na kilala ng biktima ang lalaki.

Nakumpirma ng mga awtoridad na may kasamang lalaki ang biktima dahil sa nakalap nilang CCTV footage sa lugar.

"Nakakuha tayo ng footage na magkasama 'yung [biktima at lalaki] habang naglalakad papunta doon sa bridge. Base doon sa nakita nating CCTV footage, casual lang na naglalakad 'yung dalawa, magkakilala. Kilala ng biktima 'yung suspek," paliwanag ni Police Lt. Col. Alvin Ruby Consolacion, hepe ng Cainta police.

Nakita sa CCTV ang pagbaba ng dalawa sa ilalim ng tulay. Pero makalipas ang 15 minuto, umakyat ang lalaki nang hindi kasama ang bata.

Kinilala ang lalaki sa video na si Pepito Tagal, 40, at kaibigan ng mga magulang ni Mikaela.

Nang masagip ang bata at mapabuti ang kalagayan, inilahad nito ang nangyari sa kaniya sa kamay ng suspek.

"Iyung bata, pumalag sa kung anong gagawin ng suspek. Pumalag siya. Itinali siya at inuntog... kaya nawalan ng malay ang bata,” dagdag pa ng pulis.

Dahil sa salaysay na ito ng biktima na suportado ng CCTV, nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis para arestuhin si Tagal.

Noong Pebrero 27, nadakip ang suspek pero sinabi nitong wala siyang maalala sa ginawa kay Mikaela dahil nakagamit daw siya ng droga noon.

"Bumaba ako dahil iihi ako. Hindi ko na alam ang mga sumunod na nangyari. Parang nablangko na ako," pahayag ng suspek.

Kasalukuyang nakakulong sa Cainta Municipal Jail si Tagal.

Mapapanood ang buong kuwento sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" ngayong Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!" sa ABS-CBN.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang “SOCO” sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.