Paano makokontrol ang tantrums ng isang bata?

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2019 07:12 PM

MAYNILA — Normal lamang sa mga paslit ang kawalan ng kontrol sa emosyon gaya ng pagwawala o pagmamaktol tuwing hindi natutupad ang hiling sa nakatatanda.

Bagaman normal, may paraan umano para makontrol ang bugso ng emosyon na nararamdaman ng isang bata, ayon sa isang eksperto.

Ayon kay Tina Zamora, direktor ng paaralang Nest School for Whole Child Development, dapat makipagusap nang masinsinan ang magulang sa batang anak.

"Umupo muna tayo sa tabi nila at sabihin: Naiintindihan ko 'yang nararamdaman mong iyan at tutulungan kita kung paano mo yan makokontrol," ani Zamora sa "Sakto" sa programang DZMM.

Dapat din daw magsilbing "guro" ang mga magulang at ituro kung paano kontrolin ang bugso ng emosyon.

"Kasi natutunan pa nila how to control their emotions eh. Tayo ang pangunahing guro ng kanilang mga emosyon," paliwanag ni Zamora.

Pero kung umiiyak lamang ang bata para lang makuha ang ano mang gusto niya, behavioral management na sa parte ng magulang ang kinakailangan.

Maaari umano kasing "na-spoil" o masyadong napagbibigyan ang anak sa mga hiling nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.